Mixed feelings
Waaah!!! :( Malapit na akong mabawasan ng isang trabaho.Nag-usap pa lang kami ng bisor ko sa isang trabaho ko (sa archives) ngayon lang. Pagkatapos ng summer, kailangan na daw niyang kumuha ng ibang tao. Sinabi niya naman 'yon sa maayos na paraan. Sa darating na pasukan sa Agosto, kailangan daw niya kasi ng taong pwedeng magtrabaho ng dalawampung oras sa isang linggo. Magagawa ko sana iyon kung hindi ako nagtuturo dito. Ngunit nagtuturo ako dito (at pinagmamalaki ko 'yon). Dahil nakasaad sa bisa ko na hanggang dalawampung oras lang ako pwedeng magtrabaho sa isang linggo sa loob ng regular school year, kailangan kong bawasan ang oras ko dito 'pag regular na semester. Alam ng bisor ko na magtuturo ulit ako sa darating na pasukan. Kaya nagpasiya siya na humanap na lang ng ibang empleyado.
Siguro praning lang ako pero naisip ko kanina, baka hindi siya nasisiyahan sa trabaho ko. Baka kulang ako sa focus (aminado naman ako na ganoon ako minsan). Pero natutuwa naman siya dahil mabilis daw akong magtrabaho. Tsaka parang kailan lang, noong Pebrero yata, tinanong pa nga niya kung may plano pa raw akong magtrabaho para sa kanila pagbalik ko galing sa Pilipinas. Siya na mismo ang nagsabi na masipag ako magtrabaho at ayaw daw nila akong pakawalan. Hay...ewan. Hindi ko alam kung bakit nagbago ang ihip ng hangin pero alam ko na may dahilan iyon.
Siguro nagkaroon ng isyu sa budget. Dapat kukuha siya ng isa pang tao pero baka hindi naaprubahan 'yon. Naiintindihan ko naman na mas maganda kung mas maraming oras ang pwedeng bunuin ng isang empleyado dito. Nabanggit rin niya na naisip niya na magiging busy ako sa pagtuturo at pagre-research ko sa darating na pasukan. Totoo naman 'yon. Sa tingin ko, wala naman talagang personalan ang desisyon ng bisor ko. Nagpasalamat pa nga siya kanina dahil ang dami ko daw nagawa sa mga buwan na inilagi ko dito. Masuwerte rin ako at pinagbigyan pa akong magtrabaho dito ng isang taon, kahit labing-apat na oras lang ang inilalagi ko kada linggo (at lagi pa akong nahuhuli o kaya undertime 'pag puyat o busy sa pagtuturo, hehe).
Hindi ko maipagkaila na halo-halo ang nararamdaman ko sa ngayon. Naisip ko, mabuti na rin siguro 'yon para matutukan ko ang pag-aaral ko. Nariyan ang lungkot at nakokonsiyensiya rin ako dahil alam ko slacker ako minsan. Nariyan rin ang pangamba. Sana masuportahan ko pa rin ang sarili ko sa pamamagitan ng (mga) natitira kong trabaho.
Hindi naman ako pinabayaan ng Diyos kahit kailan. 'Pag nawawalan ako ng trabaho, may dumarating na kapalit. Tuwing nangangailangan ako ng pagkakakitaan, may dumarating naman na raket. Paulit-ulit kong nasaksihan iyon sa buhay ko. Alam ko na may mga options naman ako para sa susunod na taon. Nag-apply ako para sa isang research fellowship. Hinihintay ko pa ang resulta ng interbyu. Kung hindi ko makuha ang posisyong ito, may trabaho pa rin ako sa darating na pasukan. Inalok akong magturo ng limang klase para sa Fall semester (good luck na lang sa akin...hello, pagod at puyat at konsumisyon, LOL! ) Sa Spring semester, hindi ko pa alam kung anong gagawin ko. I'll just take things one semester at a time.
Bahala na si Batman--este, ang Diyos--sa akin.


2 Comments:
Wow greener pastures, goodluck and godbless!
Jairam: Thank you! And thanks for dropping by my blog. Come back!
Post a Comment
<< Home